Nagkaproblema uli ang tuhod ni Rose

CHICAGO – Nagkaproblema na naman ang tuhod ni Derrick Rose.

Ooperahan uli ang kanang tuhod ng Chicago Bulls star sa ikalawang sunod na season na nagbunga ng pagdududa kung makakabalik pa sa dati ang dating eksplosibong point guard matapos ang ilang injuries.

Inihayag ng team nitong Martes ng gabi na may nararamdamang masakit si Rose sa kanyang tuhod at nakumpirma sa ginawang exam at MRI na mayroon siyang medial meniscus tear.

Ang 2011 NBA MVP ay lumaro ng 10 games lamang noong nakaraang season bago siya naope-rahan sa parehong injury noong November 2013 na dahilan para matengga siya ng isang buong taon ngunit sinabi ng Bulls na ang time-table para sa kanyang pagbabalik ay matutukoy lamang pagkatapos ng kanyang ope-rasyon.

Hindi malinaw kung na-injured uli ang tuhod ni Rose  dahil tila bumabalik na ang kanyang porma noong nakaraang buwan matapos mag-average ng 22.6 points sa kanyang 14 games bago ang All-Star break ngunit medyo sumama ang kanyang laro sa kanyang pagbabalik sa court makaraang magpahinga.

Si Rose ang pinakahuling star player ng NBA na mawawala ng mahabang panahon nitong mga nakaraang ilang araw lamang.

Out na sa season si  Chris Bosh matapos ihayag ng Miami Heat na may blood clots na nakita sa kanyang baga. Hindi na rin babalik ngayong season si Knicks forward Carmelo Anthony (naoperahan sa kaliwang tuhod).

Inoperahan si Thunder star Kevin Durant sa kanang paa habang na-sprain ni Pelicans big man Anthony Davis ang kaliwang balikat ngunit inaasahang makakabalik pa sila ngayong season.

Show comments