Manny ‘Di puwedeng magpapetiks-petiks

MANILA, Philippines – Hindi na puwedeng magpapetiks-petiks si Manny Pacquiao kaya aalis na siya sa Sabado patungong Los Angeles para simulan ang kanyang masusing pagsasanay para sa kanilang paghaharap ni Floyd Maywea-ther Jr. sa May 2 sa MGM Grand sa Las Vegas Nevada.

“Aalis na ako sa Sabado,” pahayag ni Pacquiao nang pagkumpulan ng mga reporter sa dugout ng Kia habang sila ay naghahanda para sa laban kontra sa Talk ‘N Text kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakasuot ang playing coach na si Pacquiao ng red-and-white uniform ng Kia nang tanungin kung ano ang kanyang game-plan – hindi kontra sa Tropang Texters kungdi kontra kay Mayweather.

“Just use my left and right,” mabilis na sagot ni Pacquiao na tanging boxer sa kasaysayan na nanalo ng walong world title sa iba’t ibang weight categories.

Tinanong si Pacquiao kung tatakbuhan ba siya ni Mayweather sa laban.

“Hindi natin alam. Pwedeng hindi. Pero puwede rin,” sagot ng 36-gulang na si Pacquiao.

Depende ito sa magiging takbo ng laban.

“Pag masaktan tatakbo yun. Pag hindi nasaktan, puwedeng lumaban,” aniya.

Matagal nang nagsimulang magpakondisyon si Pacquiao para sa training. Panay na ang kanyang paggi-gym noong nakaraang linggo.

Lumipad siya pa-Manila kahapon para sa laro ng Kia sa PBA game kung saan nakibahagi siya sa shootaround ng koponan sa Big Dome.

Lumaro siya sandali sa first half, tumira ng airball na tumama sa rim sa kanyang kaisa-isang three-point attempt bago siya inilabas ng court at pailing-iling siya.

Ayon kay Pacquiao, darating pa siya sa laban ng Kia kontra sa Blackwater  sa Sabado sa San Juan Arena bago lumipad patungong Los Angeles  sa gabi para sa kanyang pagsasanay sa Wild Card Gym sa Los Angeles. (AC)

Show comments