ANTIPOLO CITY, Philippines – Hindi lumahok si Baler Ravina noong nakaraang taon dahil sa pagkakaroon ng sakit sa baga bukod pa sa problema sa pamilya.
Ngunit kahapon ay ipinakita niyang handang-handa na siyang lumaban para sa korona nang pagharian ang 171.1-km Stage Three ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Rizal Provincial Capitol.
“Ito na ang pinakamaganda kong kondisyon. Matagal akong nag-ensayo para paghandaan itong Ronda Pilipinas,” wika ni Ravina matapos magposte ng tiyempong apat na oras, 35 minuto at 46 segundo para sa kauna-unahan niyang lap win sa Ronda Pilipinas.
Bumandera din ang pambato ng Asingan, Pangasinan sa tatlong King of the Mountain (KOM) para isuot ang White Mitsubishi Polka Dot Jersey.
Ang iba pang lumagay sa Top Ten sa Stage Three ay sina Santy Barnachea (Navy), John Paul Morales (Navy), John Ray Gabay (Negros), Irish Valenzuela (Army), Elmer Navarro (Cebu), Marvin Tapic (Army), Lloyd Lucien Reynante (Navy), Jhon Mark Camingao (Navy) at Lord Anthony Del Rosario (Mindanao).
Ang Stage Two winner na si Ronald Oranza ay hindi nakabilang sa Top 10.
Bagama’t magkaiba ng koponan ay nagtulungan pa rin sina Ravina at ang 38-anyos na inaugural champion na si Barnachea nang kumawala matapos ang ikatlong KOM.
Si Barnachea na ang bagong overall leader matapos magtala ng aggregate time na 9:37:00 kasunod sina Stage 1 winner George Oconer (9:45:00) at Cris Joven (9:45:29).
Sinabi ni Barnachea, naghahangad na maging kauna-unahang back-to-back champion ng Ronda Pilipinas na hindi niya inaasahang siya ang magi-ging overall leader matapos ang karera kahapon.
“Hindi talaga ako umaasa na magi-ging overall leader ako,” wika ng tubong Umingan, Pangasinan. “Pero nu’ng nagkaroon ako ng chance, kinuha ko na baka makawala pa eh.”
Sa overall tally ay pumuwesto naman si Ravina sa No. 12 mula sa pagiging No. 24 sa kanyang aggregate time na 9:53:04.
“One step at a time muna tayo,” wika ni Ravina, halos 16 minuto ang agwat kay Barnachea.
Samantala, isusuot ni Morales ang Blue Petron Jersey matapos maghari sa dalawang intermediate sprint.
Isinuko naman ni 2014 champion Reimon Lapaza ng Butuan City ang kanyang korona matapos isakay sa ambulansya sa may Tayabas, Quezon nang makaranas ng pagkahilo at pagsusuka.
Hahataw ngayon ang 199-km Stage 4 sa Malolos, Bulacan na babagtas sa Cabanatuan patungong Tarlac Provincial Capitol.
Bukas ay maglalaban ang mga siklista sa 140-km Stage 5 mula sa Tarlac Provincial Capitol at dadaan sa Paniqui, Bayambang at magwawakas sa Dagupan City Plaza.
Sa Huwebes ay nakatakda ang 152-km Stage 6 papunta sa Harrison Avenue sa Baguio City at sa Biyernes ay ang Stage 7 8.8-km Individual Time Trial sa Sto. Tomas, Tuba Benguet kasunod ang Stage 8 na 90-km criterium sa Harrison Avenue.