MANILA, Philippines - Hindi biro ang rutang tatahakin ng halos 80 partisipante sa championship round ng Ronda Pilipinas 2015 na handog ng LBC.
Pakakawalan bukas ang six-day race sa Paseo Greenfiled City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio City.
Sinabi ni LBC race director Ric Rodriguez na tiyak na mahihirapan ang mga siklista sa mga rutang daraanan ng karera.
“The race route is challenging and tough specially going to the final stages in Baguio,” wika ni Rodriguez. “Also, the best in the country are participating so we expect a battle royale until the finish.”
Sa unang araw ay da-lawang stages ang tatahakin ng mga siklista.
Ito ay ang 60-kilometer criterium race sa Greenfield City sa umaga at ang 120.5-km lap na magsisimula sa Calamba, Laguna at matatapos sa Quezon National Park o “Tatlong Eme (Three Ms)” o “Bitukang Manok (Chicken intestine)” sa Atimonan, Quezon kinahapunan.
Idedepensa ni Reimon Lapaza ng Butuan City ang kanyang korona laban kina Mark Galedo, Ronald Oranza ng Navy, nagkampeon sa Luzon qualifying at Boots Ryan Cayubit ng 7-Eleven, naghari sa Viasayas qualifying.
Halos 80 siklista ang makakatapat nina Lapaza, Galedo, Oranza, Cayubit, ang national team at composite European squad para sa premyong P1 milyon.
Ang karera ay iniha-handog ng LBC at suportado ng mga major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.