Nakuha ng Hapee ang tamang timpla

MANILA, Philippines - Hindi naging mahirap para sa Hapee Fresh Fighters ang mapagsama-sama ang mga malalaking pangalan sa basketball dahil sa magandang reputasyon ng koponan.

Ito ang tinuran ni team owner Dr. Cecilio Pedro na aniya ay walang inilatag ang koponan na mga extrang bagay para mahila ang mga collegiate stars at mga dating tinitingala sa liga sa kanyang koponan.

“Siguro nagustuhan ng mga players na sumali sa Hapee because of our good record in the past. Maganda ang sistema namin and we’re out to play basketball with the intention to develop the right character of the players,” wika ni Pedro.

Sina Bobby Ray Parks Jr., Garvo Lanete, Ola Adeogun, Troy Rosario, Baser Amer at Earl Scottie Thompson ay nagsama-sama sa Fresh Fighters at hindi nasayang ang taglay na malalim na bench dahil nagkampeon sila sa PBA D-League Aspirants’ Cup.

Ang inakalang palaban sa titulo na Cagayan Rising Suns matapos ang 11-0 sweep sa elimination round ay naging isang ordinaryong koponan dahil winalis sila ng Hapee (2-0) tungo sa magandang pagbabalik sa basketball matapos mapahinga sa loob ng limang taon.

Sa Game Two tunay na lumabas ang bangis ng Hapee dahil ang pamalit na si Thompson ang siyang tumayong bida para maitakas ang 93-91 overtime panalo.

“Sinabi  ko sa kanya na siya ang MVP ng series,” wika agad ni Pedro kay Thompson na gumawa ng dalawang steals, dalawang puntos at isang block para maibangon ang koponan mula sa 89-91 iskor.

Ang titulo ay nagpakinang din sa coaching career ni Ronnie Magsanoc na nakatikim ng kauna-unahang kampeonato sa commercial league upang isama ang makasaysayang kampeonato sa NCAA bitbit ang San Beda Red Lions dalawang taon na ang nakalilipas.

“Winning a title is always different kahit sa magkaparehong kompetis-yon. Iba ito dahil una, you try to mentor players before they get to the pro ranks,” wika ni Magsanoc. (AT)

Show comments