MANILA, Philippines - Aasintahin ng UST Tigresses ang playoff habang matira-matibay ang mangyayari sa laban ng FEU Lady Tamaraws at Adamson Lady Falcons sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Tigresses ang walang panalong UE Lady Warriors sa ganap na ika-2 ng hapon hanap ang ikaanim na panalo matapos ang 14 laro para magkaroon pa ng tsansang umabante sa step-ladder semifinals.
Isang upuan na lamang ang pinaglalabanan ng apat na koponan na UST, Adamson, FEU at pahingang UP Maroons dahil sila ay may magkakatulad na 5-8 baraha papasok sa huling mga laro.
Knockout game ang magaganap sa Lady Falcons at Lady Tamaraws dahil ang matatalo ay tatapos lamang sa 5-9 baraha.
Kung magwawagi ang UST ay tiyak na ang playoff pero kung one o two-game playoff ang kakailanganin ay nakadepende sa ipakikitang laro ng UP sa National University Lady Bulldogs bukas.
Walang Final Four sa ikalawang sunod na taon dahil winalis ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles ang double round elimination nang pabagsakin ang karibal na La Salle Lady Archers sa apat na sets noong Miyerkules.
May 12-2 baraha ang La Salle at bitbit nila ang twice-to-beat advantage sa makakatunggali.
Selyado na ng NU ang ikatlong puwesto sa 7-6 baraha at hinihintay ang koponang kukuha sa pang-apat na upuan na siya nilang katunggalian sa unang yugto sa step-ladder semis.
Samantala, tutumbukin ng Ateneo Eagles at Adamson Falcons ang mahalagang twice-to-beat advantage kung manalo sa mga karibal sa men’s division.
Kalaro ng Eagles at No. 3 na UST Tigers sa ganap na ika-8 ng umaga habang katipan ng Falcons ang nagdedepensang NU Bulldogs dakong alas-10 at ang makukuhang 11 panalo ng Ateneo at Adamson ay kanilang tiket para sa mahalagang bentahe sa playoffs. (AT)