Huelgas, Mangrobang magsasanay sa Portugal para sa SEA Games

MANILA, Philippines - Tumulak kamakailan sina triathletes Nikko Huelgas at Kim Mangrobang patungong Portugal pa­ra sumailalim sa tatlong buwang pagsasanay bilang paghahanda sa 2015 Southeast Asian Games sa Singa­pore sa Hunyo.

Hihimpil sina Huelgas at Mangrobang sa DESMOR High Performance Training Camp at sasaila­lim sa matinding pagsasanay kay ITU High Performance coach Sergio Santos.

Si Santos ang humubog din sa national triathletes bago sumabak sa Asian Games sa Incheon, Ko­rea tungo sa pinakamagandang pagtatapos.

Sina Jonard Saim at Huelgas ay nalagay sa ika-10 at 11 puwesto, ayon sa pagkakasunod, habang si­na Claire Adorna at Mangrobang ay tumapos sa ika-pito at siyam.

Ang ipinakita rin ng mga pambato ang pinakamataas sa hanay ng mga South East Asian countries na sumali kaya’t malaki ang paniniwala na ha­hakot ng ginto ang ipadadala sa Singapore.

Bukod sa pagsasanay ay isasali rin sina Huelgas at Mangrobang sa mga kompetisyon tulad ng Euro­pean Cup races sa Quarteria at Mellila para ma­gamit ang mga bagong natutunan.

Maliban kina Huelgas at Mangrobang ay ma­aaring gumawa rin ng pangalan ang 18-anyos na si Edward Jared Macalalad dahil siya ay napasama sa Asian Triathlon Confederation (ASTC) team na sasanayin ng Asian body at isasali sa Asian at World Triathlon Championships sa taong ito. (AT)

 

Show comments