MANILA, Philippines - Kailangang pag-isipan nang husto ng mga National Sports Associations (NSAs) ang ipadadalang atleta kung ang mga ito ay palaban para sa medalya sa Southeast Asian Games sa Singapore.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, papanagutin ng ahensya ang mga NSAs kung ang mga ipinilit na atleta ay bumalik na luhaan matapos ang SEAG sa Hunyo.
Hindi na bago sa mga NSAs ang maghabol ng mga atleta na hindi pumasa sa criteria na inilatag ng mga namumunong opisyales.
“Ang sistema ngayon, kapag ang isang pinilit na atleta ay tinanggap at ipinadala sa SEA Games at hindi nanalo ang gastos nila ay ibabawas sa budget ng mga NSAs,” wika ni Garcia.
Kailangan umanong gawin ito para magkaroon ng responsabilad ang mga NSAs officials sa bawat aksyon na kanilang gagawin lalo na kung ang ipinakikita ng kanilang atleta sa kompetisyong sasalihan ang pag-uusapan.
May mga NSAs na may mga sponsors at nais nilang gamitin ang SEA Games para sa exposure ng kanilang mga atleta.
Tama umanong bigyan ng pagkakataon ang may mga potensyal pero hindi ang mga atleta na sa simula pa lamang ay alam na malabong magkamedalya lalo na sa mga measurable sports.
“Kailangang maramdaman nila ang responsibilidad sa kanilang aksyon. Kaya ang perang ginasta ay ibabawas sa kanilang foreign exposure o sa training funds,” ani Garcia.
Aabot sa 350 hanggang 400 ang bilang ng atleta na lalaro sa SEA Games.