MANILA, Philippines – Hindi napigil si Alyssa Valdez pero hindi rin nagpaawat ang dalawang malaking manlalaro para kunin ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles ang 14-0 sweep sa pamamagitan ng 25-20, 21-25, 25-23, 27-25, panalo sa La Salle Lady Archers sa 77th UAAP women’s volleyball kagabi sa punung-puno na Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umabot sa 13,345 ang nanood sa makasay-sayang larong ito para sa Lady Eagles at hindi nila binigo ang mga kapanalig na makagawa ng kauna-uhanang sweep sa elimination round.
Si Valdez ay gumawa ng 29 puntos mula sa 24 kills, tatlong aces at dalawang blocks. Ngunit nakuha niya ang suporta ng baguhang si Jhoana Louisse Maraguinot at ang may injury na si Isabelle De Leon upang umabante na agad sa Finals bitbit ang thrice-to-beat advantage.
May career-high na 10 puntos si Maraguinot at sinangkapan niya ito ng dalawang matitinding kills na bumasag sa huling tabla sa 25-all sa fourth set.
Si De Leon ay mayroong 11 hits bukod pa sa tatlong blocks at ginawa niya ito kahit may iniindang injury sa daliri.
“Malaking achievement ito sa amin. Sana maging motivation ito sa amin sa future games,” wika ni Valdez na ang koponan ay nasa Finals na bitbit ang thrice-to-beat advantage.
May 20 puntos si Ara Galang ngunit siya lamang ang mag-isang nasa double digits para sa La Salle.
Inangkin naman ng National University Lady Bulldogs ang ikatlong upuan na aabante sa semifinals nang putulan ng pakpak ang Adamson Lady Falcons, 25-18, 22-25, 26-26, 25-19, habang nanatiling buhay ang paghahabol ng FEU Lady Tamaraws nang pataubin ang UP Lady Maroons, 19-25, 25-15, 25-19, 25-19 sa naunang mga laro.
Nagpakawala si Jaja Santiago ng 18 kills at anim na blocks tungo sa 25 hits habang si Rizza Mandapat at Myla Pablo ay may 12 at 11 puntos para ibigay kay coach Roger Gorayeb ang ikapitong panalo matapos ang 13 laro.
Ito ang ikatlong sunod na taon na nasa semifinals ang NU at una para kay Gorayeb na pumasok sa koponan noong may 2-3 baraha ang koponan.
Mahigpitan ang magaganap na tagisan para sa huling upuan dahil apat na koponan ang magtutuos para rito. (AT)