MANILA, Philippines - Ang bawat salita ni ‘Living Legend’ Robert Jaworski, Sr. ay matalinhaga.
Nang tanungin kung handa ba siyang maging kapalit ni Chito Salud bilang PBA Commissioner ay wala siyang direktang tugon.
“Alam mo, si Jawo eh ang kailangan lang ay malinis ang istorya, ayos na ako,” sabi ng dating playing coach ng Ginebra sa PSA Awards Night noong Lunes ng gabi sa 1Esplanade sa Pasay City. “Madali akong kausap. Basta 1+1=2.”
Isa ang pangalan ni Jaworski sa mga sinasabing ikinukunsidera na ipapalit kay Salud, opisyal na bababa sa puwesto sa pagtatapos ng kasaluku-yang 40th season ng PBA.
Ang iba pa ay sina Chito Loyzaga, naging player ni Jaworski sa Ginebra at dating UAAP Commisisoner at dating PBA coach na si Chito Narvasa.
Inamin ni Jaworski na isang malaking hamon ang maging PBA Commissioner, lalo na sa malaking kontribusyong ibinigay ni Salud.
“It’s a big challenge for anyone who will be given the opportunity to be part of this very prestigious and worthy endea-vor considering that not only is he a prime mover of basketball, but also a prime mover in physical conditioning and other traits that sports emulates,” wika ni Jaworski.
Si Salud, isang abogado na nagsilbing presidente ng National Home Mortgage Finance Corp. at ng Natural Resources Development Corp., ay ang pang-walong PBA Commissioner matapos sina Leo Prieto, Mariano Yenko, ang kanyang amang si Rudy Salud, Rey Marquez, Jun Bernardino, Noli Eala at Sonny Barrios.
Si Salud ang pumalit kay Barrios bilang PBA Commissioner noong 2010.