MANILA, Philippines – Nasa New York City si Floyd Mayweather, Jr. para manood ng 2015 NBA All-Star Game.
May mga boxing experts na nagsasabing maaaring gamitin ni Mayweather ang naturang event para pormal na ihayag ang kanyang lalabanan sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Kamakailan ay sinabi ni Manny Pacquiao na nagkasundo sila ni Mayweather na ang American fighter ang gagawa ng formal announcement para sa kanilang laban.
Ginamit ni Mayweather ang social media para imbitahan ang lahat para sa isang pre-Valentine party sa 42 West along 42nd Street sa New York.
“I want to see the whole city there,” sabi ng 37-anyos na si Mayweather.
Napaulat na bumisita ang undefeated boxer sa isang jewelry store sa New York at gumastos ng $685,000 sa ilang alahas.
Habang nagbabakasyon si Mayweather sa New York ay nagsagawa naman si Pacquiao ng gift-giving sa Sarangani.
Nagbigay ang Sarangani Congressman ng cash assistance na aabot sa P1 milyon sa mga mahihirap na estudyante sa Malapatan sa Sarangani.
Higit sa 400 elementary at high school students ang nakatanggap ng P2,000 educational assistance, habang ilang college students ay nabigyan ng tig-P5,000 mula sa Filipino world eight-division champion.
Nakasama ni Pacquiao sa naturang okasyon ang asawang si Jinkee, ang Vice-Governor ng Sarangani.