MANILA, Philippines – Sinolo ng National University Lady Bulldogs ang ikatlong puwesto nang padapain ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-21, 25-20, 25-23, habang binigo ng University of the Philippines Lady Maroons ang University of Sto. Tomas Tigresses, 11-25, 25-20, 16-25, 25-18, 15-11, sa 77th UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Humugot ang NU ng 18 hits mula sa 14 kills at tig-dalawang blocks at aces kay Jaja Santiago, habang sina Rizza Jane Mandapat, Myla Pablo at Jorelle Singh ay may 13, 10 at 10 hits upang makabawi ang koponan mula sa straight sets loss sa Lady Tamaraws sa una nilang pagtutuos.
Tumapos si Toni Rose Basas taglay ang 15 puntos para sa Lady Tamaraws ngunit siya lamang ang nasa double-digits upang malaglag ang koponan sa 4-8 baraha.
Nagkaroon ng tsansa ang FEU na manalo sa ikatlong set nang hawakan ang 23-22 kalamangan.
Pero hindi maganda ang depensa ng koponan at napabayaan si Mandapat tungo sa kill at maitabla ang iskor.
Gumawa ng ace si Singh bago tinapos ni Pablo ang laro sa down-the-line spike.
Tumipa ng tig-15 hits sina Nicole Tiamzon at Angeli Araneta para sa UP na umangat ang laro sa huling dalawang sets para walisin ang kanilang head-to-head ng UST.
Magkasunod na service errors nina Cherry Ann Rondina at Marivic Meneses ang nagtulak sa Lady Maroons sa 12-10 kalamangan sa fifth set.
Nasundan ito ng dalawang dikit na aces galing sa pamalit na si Hannah Rebecca Mangulabnan, habang ang crosscourt kill ni Tiamzon ang nagselyo ng panalo.
Samantala, lumapit naman ang Ateneo Blue Eagles sa pagdagit sa ‘twice-to-beat’ advantage sa men’s division sa pamamagitan ng 17-25, 25-17, 25-17, 27-25 panalo kontra sa FEU Tamaraws.
Ito ang ika-siyam na sunod na panalo ng Ateneo para panatilihin ang kapit sa unang puwesto sa 10-2 baraha.
Hinigpitan ng UST Tigers ang paghahabol sa mahalagang insentibo sa Final Four nang pataubin ang talsik ng La Salle Green Archers, 25-23, 25-18, 21-25, 27-25.
Ito ang ika-siyam na panalo matapos ang 12 laro para tablahan ang pahingang Adamson Falcons sa mahalagang ikalawang puwesto sa overall standings.