Patibayan sila
MANILA, Philippines - Magpapatibayan ang apat na koponan na palaban pa sa upuan sa susunod na yugto sa pagpapatuloy ng 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kakalas ang National University Lady Bulldogs sa pakikisalo sa pahingang Adamson Lady Falcons sa ikatlo at apat na puwesto sa pag-asinta ng panalo laban sa FEU Lady Tamaraws.
Ang laro ay magsisimula dakong alas-4 at mauuna rito ang sukatan ng UST Tigresses at UP Lady Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon.
Bago ito ay lalapit muna ang Ateneo Eagles sa pakay na twice-to-beat advantage sa pagharap sa talsik nang FEU Tamaraws sa men’s division sa ika-8 ng umaga.
Ang UST Tigers ay magsisikap na pantayan ang nasa ikalawang puwesto na Adamson Falcons sa paggapi sa namaalam na rin na La Salle Green Archers dakong alas-10 ng umaga.
Selyado na ng Ateneo, Adamson, UST at nagdedepensang kampeon National University Bulldogs ang Final Four sa kalalakihan pero pinaglalabanan pa ng mga ito ang unang dalawang puwesto at ang kaakibat na mahalagang twice-to-beat advantage sa semifinals.
Galing ang Lady Bulldogs sa 25-15, 25-19, 25-15, panalo laban sa UE Lady Warriors para tapusin ang tatlong sunod na pagkatalo sa pagbubukas ng second round.
“Pinu-push ko na sila ngayon at ako na ang nasusunod sa dapat nilang ilaro. Sa tingin ko naman ay nakapag-adjust na sila and I hope we can start winning games,” wika ni NU mentor Roger Gorayeb.
Sa kabilang banda, ang FEU ay galing sa magkasunod na pagkatalo sa kamay ng Tigresses at Ateneo Lady Eagles.
Napahinga ng siyam na araw ang Lady Tamaraws para matiyak na handang-handa sila sa larong ito para maulit ang straight sets panalo na nailista sa unang pagtutuos.
Tinalo ng UP ang UST sa naunang pagkikita, 26-24, 23-25, 25-20, 25-17, ngunit iba na ang laro ng Lady Maroons dahil sa pagkawala bunga ng injury ni Kathy Bersola.
Tatlong sunod na talo ang nangyari sa koponan at sa 4-7 baraha ay nalalagay sa must-win ang UP upang maging palaban pa sa puwesto sa Final Four.
- Latest