Laro NGAYON (The Arena, San Juan City)
2 p.m. – NU vs Ateneo (FINALS)
MANILA, Philippines - Lalapit ng isang hakbang ang Ateneo Blue Eaglets para maibalik ang sarili bilang hari ng UAAP juniors basketball sa pagbubukas ng Season 77 Finals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katapat ng Eaglets ang National University Bullpups sa ganap na ika-2 ng hapon at paborito ang una dahil bitbit nila ang thrice-to-beat advantage nang walisin nila ang 14-game elimination.
Noon pang 2010 huling nakatikim ng titulo ang Ateneo at noong nakaraang taon ay nakapasok ang Eag-lets sa Finals pero tinalo ng Bullpups sa dalawang laro para makumpleto ang makasaysayang 16-0 sweep.
Sa pagkakataong ito ay nagkabaligtad ang puwesto ng dalawang paaralan at ang Ateneo ang nakapagdomina sa elimination round at tampok dito ang 66-64 at 76-49 panalo laban sa nagdedepensang kampeon.
Si Mike Nieto na pararangalan bilang MVP ng liga, ang siyang mangunguna sa Eaglets. Sa huling panalo ng koponan sa Bullpups, si Nieto ay naghatid ng 29 puntos, mula sa 11-of-20 shooting bukod pa sa 10 rebounds.
“Hindi pa kami tapos dahil ang goal namin ay manalo ng championship,” wika ni Nieto.
Makakatulong niya ang kambal na si Matt bukod pa kina Lorenzo Mendoza, Lorenzo Joson at Shaun Ildefonso.
Tiyak naman na gagawin ng Bullpups ang lahat ng paraan para manatiling matibay ang planong ma-panatili ang titulo.
Kung magawa nila ito, makukumpleto ng NU ang pagwalis sa kampeonato sa tatlong dibisyon bagay na nagawa pa lamang ng UST noong 1994.
Ang sentrong si Mark Dyke ang magdadala sa Bullpups bukod pa kina Philip Manalang, Justine Baltazar, Jordan Sta. Ana at John Clemente.
Galing ang NU sa 61-45 pagdurog sa La Salle Zobel Junior Archers na magagamit nilang momentum para makuha ang mahalagang panalo. (AT)