Laro SA LUNES
(The Arena, San Juan City)
FINALS, best-of-3
3 p.m. – Hapee vs Cagayan
MANILA, Philippines - Inangkin ng Cagayan Rising Suns ang ikalawa at huling upuan sa championship round nang alisan ng kinang ang Cebuana Lhuillier Gems, 103-85 sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang 6’7” sentro na si Moala Tautuaa ay mayroong 22 puntos para sa Rising Suns na humugot din ng magandang numero sa iba pang manlalaro para makarating sa Finals sa ikalawang pagkakataon.
Sina Adrian Celada ay mayroong 16 puntos habang sina Abel Galliguez at Don Trollano ay naghatid ng 14 puntos at nagsanib sa tatlong triples na nagpa-ningas sa 19-2 palitan sa huling yugto upang tuluyang iwanan ang Gems.
Bago ito ay nakadikit pa ang Cebuana sa tatlo, 82-79 sa magkasunod na triples ni Allan Mangahas. Pero nasundan na lamang ito ng isang buslo ni James Mangahas sa sumunod na apat at kalahating minuto para maiwanan ng 20 puntos, 101-81.
“Nandun ang focus nila at nasunod ang mga dapat gawin,” wika ni Cagayan coach Alvin Pua na planong higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2012 Aspirants’ Cup.
Makakaharap nila ang napahingang Hapee Fresh Fighters sa best-of-three championship series na magsisimula sa Lunes sa nasabing palaruan.
Si Kevin Ferrer ay mayroong 18 puntos habang si Norbert Torres ay naghatid pa ng 15 puntos at 13 rebounds para sa Gems na sinayang ang panalong nailista sa Game One matapos matalo sa sumunod na dalawang laro.
Lamang na ng anim ang Gems, 25-19, pero malamya ang kanilang depensa kay Tautuaa na umiskor ng apat para magtabla ang dalawang koponan sa 25-all matapos ang first period. (AT)
Cagayan Valley 103 – Tautuaa 22, Celeda 16, Trollano 14, Galliguez 14, Austria 10, Melano 8, Salamat 7, Mabulac 4, Capacio 3, Dilay 2, Tayongtong 2, Flores 1, Olayon 0, Santos 0.
Cebuana Lhuillier 85 – Ferrer 18, Torres 15, Enciso 14, Mangahas 12, J. Mangahas 10, Zamar 7, Lopez 3, Acibar 2, Villahermosa 2, Sarangay 2, Vosotros 0, Bautista 0.
Quarterscores: 25-25; 55-47; 73-68; 103-85.