Laro Ngayon (San Juan Arena) Semifinals
3 p.m. – Cagayan Rising Suns vs Cebuana Lhuillier Gems (Game 3)
MANILA, Philippines – Sasandalan ng Cagayan Valley Ri-sing Suns ang momentum na nakuha sa huling panalo sa muling pagharap sa Cebuana Lhuillier Gems sa ikatlo at huling pagkikita sa PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-3 ng hapon mapapanood ang maaksyong labanan sa hanay ng dalawang koponan na magnanais na kalabanin ang Hapee Fresh Fighters para sa titulo ng liga.
Nagkaroon ng do-or-die game nang angkinin ng Rising Suns ang Game 2, 98-93 noong Huwebes.
Dinomina ni 6’7’ number one rookie pick Moala Tautuaa ang laro sa kanyang 26 puntos at 13 rebounds para makabawi ang tropa ni coach Alvin Pua sa paglasap ng kauna-unahang kabiguan sa liga sa 85-89 iskor sa Game One.
“Bilog ang bola kaya kahit sino ay puwedeng manalo,” wika ni Pua na target ang ikalawang pagtapak sa finals na unang nangyari noong 2012 Aspirants’ Cup.
Kailangan ni Pua ang isa pang magandang laro kay Tautuaa na naposasan sa Game One sa binitiwang limang puntos lamang.
Ngunit mas gaganda ang tsansa ng Cagayan kung naroroon uli ang suporta ng ibang kasamahan tulad nina Abel Galliguez at Michael Mabulac.
Matapos mabokya sa unang paghaharap, si Galliguez ay nagpakawala ng 16 puntos, tampok ang tres na bumasag sa huling tabla sa 83-all.
Ang 6’4” na si Mabulac ay may 16 puntos at sila ni Tautuaa ay kumulekta ng 23 rebounds para bigyan ang Cagayan ng 48-39 bentahe sa rebounding.
Sa kabilang banda, kailangang gumana uli ang kamay ng mga guards na siya nilang ipinakita nang manalo sa Game One. Isa sa hindi nakaporma sa Gems ay ang Fil-Am guard na si Simon Enciso na gumawa lamang ng anim na puntos, malayo sa pinakawalang 22 noong nakauna sila sa serye.
Ang Hapee Fresh Fighters ay umusad na sa Finals na paglalabanan sa best-of-three series, nang walisin ang Café France Bakers. (AT)