MANILA, Philippines - Uulit pa ang Ateneo Lady Eagles sa UST Tigresses para tumibay ang paghahabol sa sweep sa 77th UAAP women’s volleyball elimination ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dakong alas-4 mapapanood ang tagisan at kung mananalo pa ang nagdedepensang kampeon, kailangan na lamang nilang manalo rin sa UE Lady Warriors sa Linggo at sa karibal na La Salle Lady Archers sa Pebrero 18 para makumpleto ang 14-0 sweep at dumiretso na sa Finals bitbit ang thrice-to-beat advantage.
Ang Lady Archers ay sasalang din sa aksyon kontra sa walang panalong UE sa ganap na ika-2 ng hapon at paborito na masungkit ang ika-11 panalo matapos ang 12 laro.
Samantala, puwesto sa semifinals ang makukuha ng Adamson Falcons at National University Bulldogs kung mananalo sa kanilang mga laro sa men’s division.
Katipan ng Falcons ang walang panalong UE Warriors sa ganap na ika-8 ng umaga at pakay ang ika-siyam na panalo matapos ang 12 laro para tumatag din ang paghahabol sa twice-to-beat advantage sa semifinals.
Haharapin naman ang nagdedepensang kampeong Bulldogs ang FEU Tamaraws dakong alas-10 ng umaga at kung magwawagi ang NU (7-4) ay aabante na rin sa Final Four kasama ang pahingang UST Tigers (8-3) dahil wala nang koponan sa ibaba ang may kakaya-hang umabot sa walong panalo.
Galing ang Lady Eagles sa 25-23, 25-21, 25-23, straight sets panalo sa FEU Lady Tamaraws sa huling laro dahil sa magandang ipinakita nina Alyssa Valdez, Ella de Jesus at Amy Ahomiro para hindi maramdaman ang ‘di paglalaro ni Bea de Leon.
Nananalig ang mga panatiko ng Ateneo na hindi magbabago ang ipinakikita ng mga beterana dahil gagawin ng Tigresses ang lahat ng makakaya para manalo at palakasin ang paghahabol ng upuan sa semifinals.
May 5-6 baraha ang UST at kasalo ang pahingang NU Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto.
Sina Pamela Lastimosa, Carmela Tunay at rookie Ennajie Laure ang mga magtatrabaho para sa UST upang makabawi matapos matalo sa La Salle, 21-25, 9-25, 18-25 na sanhi para matapos ang kanilang apat na sunod na panalo. (AT)