DUMAGUETE CITY, Philippines – Magsisimula bukas ang paghahanap ng mga bagong national cycling stars sa pamamagitan ng three-stage Visayas qualifying leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC dito sa Negros Oriental capital.
Kabuuang 54 slots, ang 50 ay para sa elite riders at apat para sa junior aspirants, ang nakataya para sa championship round na nakatakda sa Feb. 22-27 sa Greenfield City at magtatapos sa Baguio City.
Ang mga hindi makakapasa ay maaaring lumahok sa Luzon qualifier, isang two-stage race sa Feb. 16-17 sa Tarlac at Antipolo City, ayon sa pagkakasunod para sa 34 spots (30 elite at apat na juniors).
“Ronda has produced a lot of elite cyclists through the years, most of them comprise our national team now,” sabi ni Ronda executive director Moe Chulani. “Hopefully, with a new format, we’ll have a better chance of discovering some talents from these qualifiers.”
Ang ilan sa mga produkto ng Ronda na nasa national team ay sina Southeast Asian Games gold medalist Mark Galedo, Ronald Oranza, Junrey Navarro, Rustom Lim at George Oconer, Jr.
Sinabi ni Chulani na halos 100 partisipante mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang inaasahan nilang sasali.
Ang Stage One ay isang 172.7-km Dumaguete-Sipalay race na susundan ng 157.8-km Bacolod-Bacolod Stage Two at ang 120-km Bacolod-Cadiz Stage Three sa Biyernes.
Magtutungo ang Ronda sa Norte para sa two-stage Luzon qualifiers tampok ang isang 138.9-km Tarlac-Tarlac Stage One sa Feb. 16 at 102.5-km Antipolo-Antipolo Stage Two sa Feb. 17.
Ang lahat ng 88 qualifiers mula sa Visayas at Luzon legs ang mapapabilang sa main event kasama si 2014 winner Reimon Lapaza ng Butuan, ang nine-man national team na babanderahan ni Mark Galedo at isang composite European team na binubuo ng mga Danish riders.
Samantala, dumating na si Dutch Martin Bruin, ang chief president at head commissaire ng Ronda at lima pang foreign officials bilang bahagi ng 150-man Ronda caravan na mamamahala sa karera.
“We’re all accounted for. We’re just waiting the final list of participants and we’re ready to roll,” wika ni Ronda administration director Jack Yabut.