MANILA, Philippines - Tuminding muli ang labanan para sa mahalagang ikaapat na puwesto nang magwagi ang National University Lady Bulldogs at ang Adamson Lady Falcons kahapon sa 77th UAAP women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi nagpaawat ang 6-foot-4 na si Jaja Santiago para wakasan ng Lady Bulldogs ang tatlong sunod na kabiguan sa second round sa pamamagitan ng 25-15, 25-19, 25-15 panalo laban sa wala pang panalong UE Lady Warriors sa unang laro.
May apat na blocks at 10 kills si Santiago tungo sa 14 puntos, habang si Myla Pablo ay naghatid ng 12 puntos.
Tig-limang digs pa ang kinuha nina Santiago at Pablo, habang sina Jocelyn Soliven at Desiree Dadang ay may tig-dalawang aces para makumpleto ng NU ang dominasyon sa UE sa 39-29 sa attacks, 11-0 sa blocks at 6-2 sa serve.
Si Angela Dacaymat ay may 11 attack points pero tahimik ang ibang kasamahan para bumaba pa ang talsik ng Lady Warriors sa 0-11 marka.
Sumandal ang Lady Falcons sa mga beterana sa ika-limang set para kunin ang 25-21, 25-13, 20-25, 22-25, 15-12 panalo laban sa Lady Maroons.
May 17 hits si Amanda Villanueva kasama ang 15 attacks at ang huling puntos ay ginawa para tapusin ang laro.
Naghatid din ng 17 hits si Mylene Paat, habang may 16 si Jessica Galanza para sa Lady Falcons na binawi ang four-sets loss sa UP sa unang pagkikita para palakasin ang paghahabol ng puwesto sa Final Four sa 5-6 baraha.
Nasayang ang 23 puntos mula sa 19 kills at apat na blocks ni Angeli Araneta dahil kinapos ang tangka nilang makumpleto sa pagbangon mula sa 0-2 iskor.
Samantala, inangkin ng Ateneo Blue Eagles ang unang upuan sa Final Four sa men’s division gamit ang 25-22, 25-20, 25-18, panalo sa UP Maroons.
Ito ang ika-siyam na panalo sa 11 laro ng Ateneo para lumapit din sa ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.
Nagwagi rin ang UST Tigers sa UE Warriors, 25-15, 25-20, 25-22, para pantayan ang Adamson Falcons. (ATan)