MANILA, Philippines - Isa na ngayong free-agent si Gilas natura-lized player Andray Blatche matapos ang limang buwang pagla-laro sa Xinjiang Flying Tigers kung saan kumita siya ng $2.5 Million sa Chinese Basketball Association at may tatlong NBA teams ngayon ang interesado sa kanya.
Sumalang ang 28-gulang na si Blatche sa kanyang huling laro sa China noong Feb. 1, sa paghahatid sa Xinjiang sa 129-103 panalo kontra sa Foshan na may 35 points at 15 rebounds. Pabalik na si Blatche sa US para pag-aralan ang mga offers. Napabalitang interesado ang Brooklyn sa 6-11 forward dahil out na sa season si Mirza Teletovic at alanganin si Kevin Garnett. May balak din ang Memphis at Miami na kunin siya.
May bakante sa Nets at posibleng makabalik dito si Blatche at sa kanyang nine years na NBA experience, ang kanyang maximum annual salary ay $17.7 Million.
Nasa Miami si Blatche tuwing off season at si Heat coach Eric Spoelstra ay may koneksiyon sa Gilas Pilipinas.
Sinabi ng bagong Gilas head coach na si Tab Baldwin kamakailan na si Blatche ang top priority sa pagbuo ng national team para sa FIBA Asia Championships sa Hunan, China, sa Sept. 23-Oct. 3. Ang kontrata ni Blatche sa SBP ay maglaro sa FIBA World Cup sa Spain at Asian Games sa Incheon noong nakaraang taon. Nagpasiklab siya sa Spain, bilang most efficient player, top rebounder at second leading scorer.
Ngunit dahil sa eligibility rules, hindi nakalaro si Blatche sa Incheon.
Bagama’t mananatili siyang naturalized Pinoy player at hindi puwedeng lumaro para sa ibang bansa sa ilalim ng one-nation-in-a-lifetime FIBA rule, magkakaroon ng negosasyon para manatili siya sa Gilas.
Sinabi ni dating Gilas head coach Chot Reyes na inaasahan niyang babalik si Blatche sa Gilas.