Rain or Shine lusot
MANILA, Philippines - Naisuko ng Rain or Shine ang 15-point lead na naiposte nila sa third period, ngunit hindi ang laro.
Kumamada si guard Paul Lee ng 25 points, tampok ang 5-of-9 shooting sa three-point range at perpektong 10-of-10 clip sa free throw line, para igiya ang Rain or Shine sa 104-98 panalo laban sa Globalport sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters matapos matalo sa kanilang unang laro, habang nalasap ng Batang Pier ang kanilang pangalawang dikit na kabiguan.
“Globalport played a really good game, and it was difficult to put them away,” sabi ni coach Yeng Guiao. “I thought at times we would win with some comfort, but they just kept coming back even in the last few possessions.”
Mula sa 53-52 abante sa first half ay pinalobo ng Rain or Shine ang kanilang kalamangan sa 15 puntos, 71-56, sa huling 2:34 minuto ng third quarter.
Napababa ito ng Globalport sa 94-98 mula sa tatlong sunod na three-point shot ni Terrence Romeo sa huling 42.1 segundo ng final canto.
Huling nakadikit ang Batang Pier sa 98-101 mula sa follow up ni Stanley Pringle matapos ang split ni import CJ Leslie sa natitirang 18.7 segundo.
Nagsalpak sina Lee at Jonathan Uyloan ng tatlong magkadikit na free throws para selyuhan ang panalo ng Elasto Painters.
Nagdagdag si import Rick Jackson ng 16 points, habang may 10 si Jervy Cruz para sa Rain or Shine.
Kasalukuyan pang naglalaro ang nagdedepensang Purefoods at ang Blackwater habang isinusulat ito.
Samantala, maglalaban naman ang Alaska at ang NLEX ngayong alas-5 ng hapon sa San Juan Arena na parehong may 0-1 record.
- Latest