HOUSTON -- Dismayadong pinanood ni Chicago Bulls coach Tom Thibodeau ang kanilang kabiguan sa mga kamay ni Houston Rockets guard James Harden.
“Guys like that, you’ve got to guard them with your whole team and they still have the ability to make,’’ sabi ni Thibodeau. “You have to stay the course against them.’’
Umiskor si Harden ng 27 points para banderahan ang Rockets sa 101-90 panalo kontra sa Bulls.
Nagpakawala si Harden ng 15 markers sa second quarter na nakatulong sa Rockets na makapagtayo ng malaking kalamangan at hindi na nilingon pa ang Bulls.
Ito ang ikatlong sunod na kabiguan ng Chicago.
Pinaglaruan lamang ni Harden si Chicago small forward Jimmy Butler sa one-on-one para umiskor ng 13 sunod na puntos sa pagtatapos ng first half.
Ngunit mas ikinasiya niya ang kanilang mahusay na depensa.
“Every night, that’s our motto is to be aggressive,’’ wika ni Harden. “We have so many guys that can come in and play that we don’t worry about getting tired.’’
Pinamunuan ni Butler ang Bulls sa kanyang 27 points, habang may 23 si Derrick Rose.
Sa New Orleans, nagsalpak si Russell Westbrook ng career high na 45 points para pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa 102-91 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Iniwanan ng Pelicans sa 91-89 sa huling anim na minuto sa fourth quarter, sumandal ang Thunder kay Westbrook para sa kanilang panalo.
Sa Toronto, tumipa si Jarrett Jack ng 24 points, habang nagdagdag ng 22 si Alan Anderson para tulungan ang Brooklyn Nets sa 109-93 panalo laban sa Toronto Raptors.
Ipinatikim ng Nets ang unang kabiguan ng Raptors sa huling 10 laro laban sa kanilang mga karibal sa Atlantic Division ngayong season.
Nagdagdag si Joe Johnson ng 12 points para sa Brooklyn, nakamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos maipatalo ang lima sa kanilang huling anim na laro.
Naglaro sa ikalawang pagkakataon makaraang magpahinga ng 11 laro dahil sa kanyang rib injury, naglista si guard Deron Williams ng 11 points sa loob ng 33 minuto.