MANILA, Philippines - Habang hindi pa pamilyar si import Daniel Orton sa kanyang mga kakampi ay si Best Import Marqus Blakely muna ang muling gagamitin ni head coach Tim Cone.
Muling ipaparada ng nagdedepensang Purefoods ang 6-foot-4 na si Blakely sa kanilang pagsagupa sa Blackwater ngayong alas-7 ng gabi sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kararating lamang ng 6’9 na si Orton, nag-laro sa NBA para sa Oklahoma City Thunder at Washington Wizards, mula sa China.
Sa pangunguna ni Blakely ay pinatumba ng Hotshots ang Batang Pier, 83-70 at ang Alaska Aces, 108-88 para sa kanilang 2-0 panimula.
“For the first time in a long time, we seem ready to start a conference,” wika ni Cone.
Itatapat naman ng Blackwater kay Blakely si naturalized center Marcus Douthit, tumipa ng 14 points sa 78-88 pagkatalo ng Elite sa Talk ‘N Text noong nakaraang Sabado sa Biñan, Laguna.
Ang 6’11 na si Douthit ay kinuha ni mentor Leo Isaac matapos magkaroon ng hamstring injury si 6’9 import Chris Charles sa kanilang tune-up game.
Sa unang laro ay pupuntiryahin ng Rain or Shine ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Globalport sa alas-4:15 ng hapon.
Nanggaling ang Elasto Painters sa 96-91 panalo kontra sa NLEX Road Warriors kung saan kumolekta si import Rick Jackson ng 17 points, 20 rebounds, 5 assists at 4 shotblocks.
“He’ll continue to play for us as long as we’re winning and we’re having the kind of games he’s providing us, exactly the kind of things we need in a big man,” ani coach Yeng Guiao sa 6’9 na si Jackson.