MANILA, Philippines - Inaasahang makakasalamuhang muli ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao si US President Barack Obama ngayon sa National Prayer Breakfast sa Washington Hilton.
Ang 100 bansa, kabilang na ang Pilipinas, ay may kinatawan sa National Prayer Breakfast.
“It’s people from all over, from all countries coming to Washington DC, and the President of the United States, the First Lady, the Vice President and his wife will be present,” sabi ni Jonathan Frank ng National Prayer Breakfast.
Inimbitahan ng U.S. Congress, ang punung-abala sa Prayer Breakfast, si Pacquiao na kinatawan ng Sarangani sa Philippine Congress.
Dadalo rin sa pagtitipon si Dalai Lama.
Bibigyan si Pacquiao ng 20 minuto para magsalita.
Ayon sa Filipino world eight-division champion na si Pacquiao, pagtutuunan niya ng pansin sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng pagkakaisa at kapayapaan sa buong mundo.
Kasama ni Pacquiao ang asawang si Jinkee.
Nauna nang nakasalo nina Pacquiao at Jinkee si Prince Harry sa isang hapunan sa London.
Matapos ito ay tumayong judge si ‘Pacman’ sa 2015 Miss Universe sa Miami.
Personal ding nagkausap sina Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Miami para sa kanilang laban na itinatakda sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. (RC)