MANILA, Philippines - Nagkasundo sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. na kapwa mananahimik habang pinaplantsa ang ilang detalye ng kanilang laban.
Ngunit hindi nila mapipigilan si Bob Arum ng Top Rank promotions.
Sa panayam ng ESPN, sinabi ni Arum na nadidismaya siya sa kabagalan ng negosasyon para sa bakbakan nina Pacquiao at Mayweather na itinakda sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“We send one draft to their side, and their lawyer sends back a draft with something else that’s an issue. And there doesn’t seem to be any urgency about it on their side,” sabi ni Arum. “It’s terrible.”
Sa isang laro ng Miami Heat at Milwaukee Bucks sa Miami, Florida kamakailan ay nagkita sina Pacquiao at Mayweather at nagpalitan ng phone numbers.
Kinagabihan ay nagtungo ang 37-anyos na si Mayweather sa hotel suite ng 36-anyos na si Pacquiao sa Miami para pag-usapan ang kanilang laban.
Nagkasundo ang dalawang boksingero na parehong hindi magsasalita.
Sinabi ni Arum na habang walang napananalisang kasunduan sa pagitan nina Pacquiao at Mayweather ay may posibilidad na hindi mangyari ang kanilang suntukan sa Mayo 2.
“If you want to drag this out a little longer then move the fight to later in May – May 30 is a good date – or go in June,” wika ni Arum.
“We agreed to go on May 2 because that is the date Mayweather is hung up on, but if we're going to go on May 2 we need to get this done,” dagdag pa nito.