MANILA, Philippines - Itataya ng mainit na UST Tigresses ang kanilang apat na sunod na panalo laban sa La Salle Lady Archers, habang ang ika-11 sunod na panalo ang nakataya sa nagdedepensang Ateneo Lady Eagles sa pagpapatuloy ng 77th UAAP women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Unang lalaro ang Lady Eagles kontra sa FEU Lady Tamaraws sa alas-2 ng hapon bago sundan ng Lady Archers at Tigresses sa alas-4 ng hapon.
Samantala, palalakasin ng Adamson Falcons ang paghahabol sa ‘twice-to-beat’ advantage, habang upuan sa Final Four ang patatatagin ng nagdedepensang National University Bulldogs sa mga laro sa men’s division.
Katipan ng Falcons ang FEU Tamaraws sa alas-8 ng umaga bago palitan ng labanan ng NU at La Salle Archers sa alas-10 ng umaga.
May 9-1 karta ang Lady Archers at kung mananalo sila sa UST ay hahawakan ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals.
Ngunit inaasahang mapapalaban sila sa Tigresses na nakikitaan ng magandang pagtutulungan mula sa mga beterana at baguhan upang makabangon na mula sa 1-5 panimula at ngayon ay nasa ikatlong upuan sa 5-5 baraha.
Sina Pamela Lastimosa, Carmela Tunay, Marivic Meneses at rookie Ennajie Laure ang mga magtutulung-tulong para sa UST, habang ang mga subok nang sina Ara Galang, Mika Reyes, Cyd Demecillo at Kim Fajardo ang pantapat ng La Salle.
Ang ika-11 sunod na panalo ang makukuha ng Ateneo na maglalapit sa tatlong laro para makumpleto ang 14-0 sweep at dumiretso sa Finals bitbit ang ‘thrice-to-beat’ advantage.
Hindi makakalaro si Isabelle de Leon dahil sa injury sa kanyang daliri pero matibay pa rin ang puwersa ng Lady Eagles hanggang naririyan si Alyssa Valdez.
Gagawin naman ng FEU ang lahat ng makakaya para lumakas ang kanilang paghahabol sa Final Four. (ATan)