MANILA, Philippines - Hinihikayat ni Philippine women’s basketball team head coach Patrick Henry Aquino, tumulong sa National University Lady Bulldogs sa pagkopo sa titulo ng UAAP women’s tournament, ang mga women cagers na sumali sa tryouts para sa national squad.
Bubuksan ni Aquino ang tryouts ngayong alas-5 ng hapon sa 3rd floor ng SGS Building at 1335 Araneta Ave., Barangay Sto. Domingo sa Quezon City.
Ang mga tryouts ay nakatakda sa Pebrero 7, 9, 10 at 11 sa ganap na alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ang mga interesado ay maaring tumawag sa 0917-8686234 para sa iba pang detalye.
Ang mga automatic candidates ay ang mga players mula sa national pool ni dating head coach Haydee Ong.
Hangad ni Aquino na makumpleto ang isang 12-player lineup na isasabak sa darating na Southeast Asian Basketball Association (SEABA) tournament at sa Southeast Asian Games sa Singapore.
Mula sa higit sa 40 players, sinabi ni Aquino na ito ay magiging 20 kasunod ang paghahayag ng Final 12.
Inilatag na ni Aquino ang mga tuneup games sa Thailand sa Marso 28 hanggang Abril 4 para sa mabubuong koponan.