BOSTON – Nagulat si center Hassan Whiteside nang nagdisensyo si Fil-American coach Erik Spoelstra ng play para sa kanya sa third quarter sa isang mahigpitang laro.
Mas lalo siyang nagulantang nang patuloy itong ginawa ni Spoelstra para sa kanya.
Kumamada si Whiteside ng 20 points para ibigay sa Miami Heat ang 83-75 panalo kontra sa Boston Celtics.
“He drew up a play and I scored on it, he just kept drawing them up,’’ sabi ni Whiteside kay Spoelstra. “I really think he started believing I can make plays down there.’’
Nagtala si Whiteside ng 10-for-17 fieldgoal shooting at nagdagdag ng 9 rebounds at 3 blocked shots para sa Heat.
Nag-ambag si Chris Bosh ng 18 points kasunod ang 13 ni Tyler Johnson para sa Miami na muling naglaro nang wala ang mga may injury na si Dwyane Wade )strained right hamstring) at Luol Deng (strained calf).
Pinamunuan naman nina Avery Bradley at Tyler Zeller ang Celtics sa kanilang tig-17 points kasunod ang 15 ni Brandon Bass.
Sa New York, naririnig ni Carmelo Anthony ang mga boses na nagsasabing matanda na siya at hindi na niya kayang tumalon katulad ng kanyang kabataan.
Sinagot ito ni Anthony sa kanyan sariling paraan nang umiskor ng 18 sa kanyang 31 points sa third quarter para sa 94-80 panalo ng New York Knicks laban sa Los Angeles Lakers.
Tumingin siya sa kanilang bench sa second quarter matapos ang isang slam dunk galing sa lob pass ni Jason Smith.
“They said they haven’t seen that before in a long time,” sabi ng 30-anyos na si Anthony. “And we had this conversation before the game today, so it was just one of those moments where I had to look at the bench and let them know that I’ve still got it.”
Nagdagdag si Langston Galloway ng 13 points para sa New York na nagtayo ng isang 20-point lead laban sa Los Angeles.
Humakot naman si Carlos Boozer ng 19 points at 10 rebounds sa panig ng Lakers, natalo sa pang-10 sa kanilang huling 11 laro.
Nag-ambag si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 19 points.