MANILA, Philippines – Sa paghahanap ng bansa ng atletang magsasalba sa kampanya sa 17th Asian Games down sa Incheon, South Korea ay nagbida si BMX rider Daniel Caluag para sa nag-iisang gintong medalya ng delegasyon.
Bagama’t hindi nakalahok sa mga event na may basbas ng UCI (Union Cycliste International) noong nakaraang taon, napanatili ni Caluag ang kanyang porma at kondisyon para ibigay sa Pilipinas ang gold medal sa men’s BMX race sa Ganghwa Asia BMX Track noong nakaraang Oktubre.
“The entire PSA organization congratulates Daniel Caluag as the recipient of the 2014 Athlete of the Year honor following the exemplary feat he did during the 17th Asian Games in Incheon, South Korea,” sabi ni PSA president Jun Lomibao ng Business Mirror.
Ang gold medal ng 27-anyos na registered nurse ang siyang tanging nakolekta ng gintong medalya sa 160-man delegation mula sa quadrennial meet matapos noong 1998 edition sa Bangkok, Thailand.
Ito ang unang cycling gold medal ng bansa sa kasaysayan ng paglahok sa Asiad.
Ang tagumpay ng Filipino rider ang nagsalba sa kampanya ng bansa kaya siya hinirang na Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association.
Babanderahan ng Filipino-American BMX racer na si Caluag ang halos 70 prominenteng sports personalities at entities na pararangalan sa PSA Annual Awards Night na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp. sa Feb. 16 sa 1Esplanade Mall ng Asia Complex.
Ibibigay din ng pinakamatandang media organization sa bansa ang mga major awards at citations sa formal rite na suportado ng Smart, Meralco at ng MVP Sports Foundation bilang principal sponsors at ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor.
Ipapamahagi din sa event na itinataguyod ng ICTSI, Philippine Basketball Association (PBA), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR), Rain or Shine, Globalport, Air21, Maynilad, Accel at ng National University ang President’s Award, Executive of the Year, Sports Patron of the Year, National Sports Association of the Year, ang Tony Siddayao Awards para sa mga outstanding athletes na may edad 17-anyos pababa, Posthumous at ang MILO Outstanding Athletes (boys at girls).
Isinama sa honor roll list ngayong taon ang 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award) at sina Tim Cone (Excellence in Basketball), Hall of Fame (Mitsubishi), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo) at sina Princess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).