MANILA, Philippines - Hindi maaapektuhan ng paghahanda ng Pilipinas para sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore para sa gagawing pagpigil sa tulong pinansyal sa mga NSAs na hindi makakasumite ng mga dokumento sa Commission on Audit (COA).
Ito ang tiniyak ni Philippine Sports Commission chairman Ricardo Garcia na minamadali rin ang mga NSAs na sundin ang mga reglamento ng COA para maaksyunan ang kanilang mga request sa board meeting na gagawin sa Martes.
“Ang lahat ng hindi makaka-comply, pasensya muna. Ang allowance ng mga atleta ay tuloy, pero ang travel, exposure at equipment, ay wala muna,” wika ni Garcia
Kasama sa mga dokumentong dapat isumite ng mga NSA ay ang kanilang SEC registration bukod sa rekognisyon mula sa Philippine Olympic Committee (POC) at ng kanilang international federation.
Aminado naman si POC treasurer at Chief of Mission ng SEAG Julian Camacho na hindi sila makakagalaw sa bagay na ito dahil reglamento ito ng pamahalaan.
“Wala tayo magagawa. They (NSAs) have to follow patakaran ng PSC. If now, wala sila budget pang-training,” wika ni Camacho.
Mahalaga sa mga national athletes ang magkaroon ng magandang kampanya sa darating na SEAG sa Singapore sa Hunyo dahil nais ng bansa na makaahon mula sa pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng paglahok sa biennial games.
Nagtapos sa pang-pitong puwesto ang bansa sa SEAG noong 2013 sa Myanmar. (ATan)