MANILA, Philippines - Higit sa 30 manlalaro ang nagpatala para pagpilian sa bubuuing national women’s team para sa Southeast Asian Games sa Singapore.
Ang bilang na ito ay puwede pang tumaas dahil bukas pa sa pagtanggap ng mga manlalaro ang bagong volleyball federation na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP).
“Sa listahan ay may 30 pangalan ang nakapasok na pero may inaasahan pang darating dahil sa Lunes pa ang meeting namin ng coaching staff,” wika ni POC 1st VP Joey Romasanta, inaasahang mauupo bilang pangulo ng LVP.
Sina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar ang inilagay ni Romasanta bilang coaches para sa dalawang torneo na sasalihan ng bansa.
Bukod sa SEA Games, lalahok din ang bansa sa Asian U-23 Women’s Championship na idaraos sa bansa.
Target ng bansa ang hindi bababa sa bronze medal na pagtatapos sa Singapore SEA Games pero sa 2017 ay ginto na ang pupuntiryahin ng koponan, ayon kay Romasanta. (ATan)