MANILA, Philippines – Pagsisikapan ng Café France Bakers at Jumbo Plastic na pangatawanan ang mas mataas na seeding laban sa mga katunggali sa pagsisimula nga-yon ng PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang sasalang ang pumangatlo sa elimination round na Bakers laban sa Bread Story-LPU Pirates sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Giants at Cebuana Lhuillier Gems dakong alas-4.
Kailangan lamang ng Bakers at Giants na manalo ngayon dahil taglay nila ang mahalagang twice-to-beat advantage.
Mabangis ang ipinakitang laro ng tropa ni coach Edgar Macaraya nang magtala ng 9-2 baraha. Tinapos nila ang elims bitbit ang limang sunod na panalo at kasama sa tinalo nila ay ang Pirates sa 88-74 iskor.
Liyamado ang Bakers ngunit hindi sila dapat magkumpiyansa dahil gagawin ng Pirates ang lahat ng makakaya para manalo at manatiling buhay ang paghahabol sa titulo kahit isang bagitong koponan sa liga.
Galing ang tropa ni coach Bonnie Tan sa 93-90 come-from-behind panalo sa Racal Motors Alibaba para selyuhan ang ikaanim at huling puwesto na nakaiwas sa maagang bakasyon.
“That win showed that the players have character and confidence,” ani Tan.
Inaasahang mahigpitan ang magaganap na tagisan sa pagitan ng Giants at Gems na parehong tumapos sa 7-4 baraha.
Pinalad lang ang tropa ni coach Stevenson Tiu nang talunin nila ang bataan ni coach David Zamar, 63-61 para hawakan ang krusyal na twice-to-bet advantage.
Bumalik sa Gems si Glen Khobuntin para pagtibayin ang kanilang depensa.
Ang dating National University Bulldogs ay naunang ipinahiram sa MGM Builders na nagpahinga na.
Sa kabilang banda, ang lakas sa opensa na magmumula kina Kevin Ferrer, Almond Vosotros, Allan Mangahas, Paul Zamar at Norbert Torres, ang tiyak na aasahan ng Gems para maihirit ang do-or-die game. (AT)