MANILA, Philippines – Tila ang pagkakataon na mismo ang gumagawa ng paraan para magkausap sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Dahil sa kabiguang makakuha ng flight patu-ngong New York at pabalik ng Pilipinas, napilitan si Pacquiao na manatili sa Miami, Florida matapos maging hurado sa katatapos na Miss Universe pageant at nanood na lamang ng laro ng Miami Heat at Milwaukee Bucks.
Nang malaman ito ni Mayweather ay kaagad itong nagtungo sa Ame-rican Airlines Arena hindi para panoorin ang banggaang Heat-Bucks kundi upang personal na makausap si Pacquiao.
Nakaupo ang 36-an-yos na si Pacquiao at ang 37-anyos na si Mayweather sa magkabilang courtside.
Sa halftime ay tumayo si Mayweather at dumiretso sa kinauupuan ni Pacquiao na sinamahan ng kanyang Canadian adviser na si Michael Koncz.
Ayon sa mga nakari-nig ay paulit-ulit na sinabi ni Mayweather na huwag nang magsinungaling sina Pacquiao at Koncz hinggil sa sinasabing nakahandang fight contract para sa kanilang laban sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“If you’re not going to tell the truth, it’s best to stay silent,” sabi ni Mayweather kina Pacquiao at Koncz.
Matapos ang kanilang maikling pag-uusap kung saan hindi masyadong nakapagsalita si Pacquiao ay nagpalitan sila ng personal phone numbers ni Mayweather.
“He gave his number to me and said we will communicate with each other,” wika ni Pacquiao kay Mayweather na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakausap niya ng personal.
Nauna nang sinabi ni Mayweather na si Bob Arum ng Top Rank Promotions ang nagiging hadlang para maplantsa ang kanilang super fight ni Pacquiao.
Sa pagpapalitan nila ng phone numbers ay inaasahang malilinawan nina Pacquiao at Mayweather ang lahat ng detalye para maitakda ang kanilang banggaan.
Ayon kay Arum, pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather mula sa 40-60 purse split hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.
Kung matutuloy ang kanilang laban ay inaasa-hang tatanggap si Pacquiao ng $40 milyon kumpara sa mas mataas na $120 milyon ni Mayweather.
“I’m not going to say one thing or another now. If it doesn’t happen, it doesn’t happen. Time will tell,” sabi ni Arum. (RC)