MANILA, Philippines – Kinumpleto ng Emilio Aguinaldo College Gene-rals ang pagbangon mula sa pagkatalo sa unang tagisan nang angkinin ang 25-22, 23-25, 25-19, 25-20 laban sa College of St. Benilde Blazers sa ikatlo at huling laro sa 90th NCAA men’s volleyball Finals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Inilabas ng Generals ang mabangis na pag-atake bagay na hindi napaghandaan ng Blazers para kunin ang kauna-unahang titulo sa men’s volleyball sa ikalawang dikit na pagtapak sa championship round.
Bago ito, ang EAC ay nakilala sa husay sa juniors division nang muling tanghaling kampeon matapos maghari mula noong 2011 hanggang 2013.
Matapos gumawa ng 26 at 33 hits sa naunang dalawang laro sa best-of-three finals, si Howard Mojica ay nagpakawala ng 28 attack points para tulungan ang Gene-rals na hawakan ang 63-38 kalamangan sa attack points.
Ngunit hindi niya sinolo ang pagbibida sa do-or-die game na ito dahil solido rin ang numerong ibinigay nina Keith Melliza, Israel Encina at Sid Reymond Gerella.
May 15 hits si Melliza, kasama ang 14 kills, habang si Gerella ay mayroong apat na blocks.
Ang magkasunod na attack points ni Melliza ang nagbigay sa Generals ng 15-11 kalamangan habang ang tatlong hits at ang ikaapat na block sa laro ni Gerella ang nagtulak sa Generals sa match point, 24-18.
Natapos ang laro sa service ace ng Generals tungo sa malaking selebrasyon ng mga panatiko ng EAC.
“Nagbunga ang paghihirap namin,”wika ng Gene-rals coach Rod Palmero na naisantabi rin ang pagkata-lo sa Perpetual Help Altas noong nakaraang season.
“Ibinigay na namin ang lahat, physically and mentally sa larong ito,” dagdag ni Mojica, ang Season at Finals MVP bukod pa sa pagiging Best Scorer at Best Spiker ng liga.
Kuminang din ang setter na si Francis Yu na mayroong 44 excellent sets habang ang liberong si Juvie Mangarin ay gumawa ng 15 digs at siyam na excellent receptions para sa nanalong koponan. (AT)