MANILA, Philippines – Nais ng PhilCycling na muling ibalik ang cycling bilang regular sport sa Palarong Pambansa na nais nilang maisakatuparan sa 2016.
Inspirasyon ng PhilCycling sa layuning ito ang competitiveness ng sport na ito gayundin ang kontribusyon ng pagbibisikleta sa kapaligiran.
Sa isang resolusyon sa ginanap na board meeting ng pederasyon sa kickoff leg ng Asean Mountain Bike Cup Series sa Danao City, Cebu nitong Sabado, nagkasundo sina PhilCycling chairman Bert Lina at ang presidente na si Tagaytay Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino kasama ang mga miyembro ng board na ang taunang Palarong Pambansa ay malaking tulong sa kanilang grassroots development program na nakasentro sa pagtuklas ng young talent na ide-develop para maging potential national athletes.
Ngunit ang competitive aspect ng cycling ay isa lamang sa dahilan kung bakit nais ng PhilCycling na ibalik ang sport sa Palaro.
“Cycling is no longer just a sport or a hobby or a form of physical fitness—it is an advocacy to help save the environment,” sabi ni Tolentino na planong lumapit sa Department of Education (DepEd) sa pamamagitan nina Secretary Bro. Armin Luistro at Assistant Secretary Tonisito Umali, ang Palarong Pambansa Sec-Gen.
“The campaign to use the bicycle practically eve-ry day—as a mode of transportation to and from the work place and schools—has gone global and almost every country in the world is one in promoting the bicycle to help halt global warming,” sabi naman ni Lina na kinikilalang ‘ninong’ ng Philippine cycling at siya ring tumutulong sa pagdaraos ng annual international multi-stage na Le Tour de Filipinas.
Si dating Tour champion Modesto Bonzo ng Pangasinan ang nagmungkahi na ibalik ang cycling sa Palaro at sinuportahan naman siya ng kanyang kapwa ex-champion na si Paquito Rivas.