MANILA, Philippines – Nakataya ang kampanya ng Bread Story-LPU Pirates sa resulta ng laro laban sa talsik nang Racal Motors Alibaba sa pagtatapos ng elimination round sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayong hapon sa Marikina Sports Complex, Marikina City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon gagawin ang laro at kailangang manalo ang Pirates para magpatuloy ang paghahabol ng titulo sa liga.
May 4-6 baraha ang Bread Story ngunit may tsansa pang umabante sa quarterfinals kung mapapantayan ang baraha ng pahingang Tanduay Light Rhum Masters sa 5-6 karta.
Okupado ng Rhum Masters ang mahalagang ikaanim na puwesto sa team standings na siyang huling koponan na aabante sa susunod na round.
Kung magtatabla ang Pirates at Rhum Masters sa 5-6 baraha, ang una ang uusad at mamamaalam ang huli dahil sa kinuhang 69-64 panalo ng Bread Story noong Nobyembre 13.
Sina Joseph Gabayni, Jiovani Jalalon at Mike Gamboa ang mga mangunguna sa Pirates na papasok sa laro mula sa mga panalo kontra sa Wangs Basketball (97-94 sa overtime) at MP Hotel Warriors (104-85).
Hindi naman hadlang ang pagkakasibak na sa kontensiyon para magpursigi ang Alibaba para magkaroon ng disenteng pagtatapos ang nabigong kampanya sa liga.
Kumpletuhin ang 11-0 sweep sa single-round elimination ang nakataya sa Cagayan Valley Ri-sing Suns sa pagharap sa Couriers sa huling laro sa yugto dakong alas-4 ng hapon.
Hindi pa natatalo ang Rising Suns matapos ang 10 laro at ang huling koponan na pinataob ay ang dating wala ring talong Hapee Fresh Fighters, 80-77, noong Huwebes sa pamamagitan ng 3-pointer sa hu-ling segundo ni Fil-Am Abel Galliguez.
Si Galliguez ay tiyak na kondisyon pa rin upang makipagtulungan kay number one rookie pick Moala Tautuaa para ipagdiinan na ang koponan ang siyang team-to-beat sa unang confe-rence ng PBA D-League.
Ang Cagayan at Hapee ay dumiretso na sa semifinals habang ang Café France Bakers at Jumbo Plastic Giants ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals. (AT)