MANILA, Philippines - Darating sa bansa sa Lunes ang isang four-man committee na binuo ng FIBA para rebisahin ang mga hosting bids ng anim na bansang nag-aagawan sa pagiging host ng 2019 World Cup.
Pag-aaralan ng naturang grupo ang kakayahan ng Pilipinas na pamahalaan ang nasabing event na lalahukan ng 32 bansa na makakalusot sa two-year qualifying period.
Ang evaluation committee ay binubuo nina FIBA Oceania president at FIBA Central Board member Burton Shipley ng New Zealand, FIBA director general of media and marketing services Frank Leenders ng the Netherlands, FIBA director of events at dating Yugoslavian national basketball player Predrag Bogosavljev ng Serbia at FIBA consultant and long-time ambassador of quality officiating Lubomir Kotleba ng Slovakia.
Susunod naman sa Huwebes si FIBA secretary-general Patrick Baumann para makipag-usap sa eva-luation committee, makikipagpulong sa mga SBP officials at dumalo sa isang top-level dinner ni Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Ang exclusive dinner ay dadaluhan lamang ng 20 guests, kasama rito ang mga FIBA visitors at sina PLDT chairman/SBP president Manny V. Pangilinan, Maynilad president/SBP vice chairman Ricky Vargas, Meralco senior vice president/MVP Sports Foundation president Al Panlilio, Maynilad senior vice president/PBA chairman Patrick Gregorio at SBP executive director Sonny Barrios.
Nakatakdang umalis ng bansa ang mga FIBA officials sa Biyernes.
Ang mga bidders ay ang China, Germany, France, Turkey, Qatar at ang Pilipinas.
Ang final bid ay isusumite sa FIBA sa Abril 30 at ang FIBA Central Board ang magdedesisyon kung sino ang mananalong host country sa kanilang pulong sa Hunyo 18-19 sa Geneva.
Nagtakda ang FIBA ng minimum bid na 8 Million Euros o halos P400 milyon. Bibistahin ng FIBA team ang mga pasilidad na gagamitin ng SBP para sa World Cup.
Sinabi ni Barrios na ang plano ay maglatag ng limang playing venues at halos 10 hotels. (QH)