MANILA, Philippines - Gumagawa ng hakbang ang POC para matiyak na susunod ang mga NSAs sa alituntunin ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paghingi ng pondo sa PSC.
Mismong si POC president Jose Cojuangco Jr. ang hahawak sa isang secretariat na tututok sa mga NSAs upang matiyak na maibibigay ng mga ito ang lahat ng kailangan para hindi maapektuhan ang paghahanda para sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
“Ako na ang nagprisinta na pa-ngunahan ang secretariat dahil kailangang sumunod ang mga NSAs at kung hindi, wala silang makukuhang pera. Sa loob ng six months tapos ito,” ginagarantiya ni Cojuangco sa POC-PSC Radio Program kahapon.
Dumalo si PSC chairman Ricardo Garcia sa isinagawang pagpupulong ng POC Executive Board noong Miyerkules at sinabing ang shooting at football lamang sa hanay ng mahigit 50 NSAs na humihingi ng pondo sa ahensya, ang nakapagsumite ng lahat ng dokumento base sa alituntunin na ipinalabas ng COA.
“Hindi naman mahirap na sundin ang mga gusto ng COA dahil ang mga dokumento na kailangan ay dapat meron ang mga NSAs para makilala ng kanilang mga international federations. Naghigpit ang COA at kailangang sumunod kami at hindi kami makakapagbigay ng pondo sa mga NSAs na hindi tutugon dahil kami ang siyang mananagot dito,” wika ni Garcia.
Mahalaga ang makukuhang suporta ng mga NSAs sa PSC dahil ang SEA Games ay maagang gagawin sa taong ito.
Nais ng Pilipinas na umahon mula sa pinakamasamang pagtatapos na ikapitong puwesto noong 2013 sa Myanmar SEA Games nang humakot lamang ng 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals. (AT)