CLEVELAND -- Matapos ang slam dunk ni Kevin Love, nagpalitan ng ngiti ang Cavaliers sa isa’t isa, ilang fist bumps at high-fives kasabay ng ingay sa loob ng Quicken Loans Arena matapos ang timeout.
Ito ang sandali na inaasam ng Cleveland ng ilang linggo.
Umiskor si LeBron James ng 26 points, habang nagdagdag si Love ng 19 para pangunahan ang Cavs sa 106-92 panalo laban sa Utah Jazz na kanilang pang-apat na sunod na panalo.
Ipinagpag ni Kyrie Irving ang pagkakaroon ng sipon na pumuwersa sa kanya para hindi sumali sa kanilang team practice noong Martes at nagpabagal sa kanya. Nagdagdag si James ng 9 assists, 7 rebounds para resbakan si Gordon Hayward ng Jazz.
Umangat ang Cavs sa 4-1 record sapul nang bumalik ang four-time MVP na hindi makita sa walong laro bunga ng kanyang napuwersang likod at tuhod.
May 1-7 marka ang Cleveland nang mawala ang kanilang superstar.
Sa pagbabalik ni James ay hindi niya hinayaang makaapekto sa kanya ang makating lalamunan, baradong ilong at masakit na katawan.
“It’s clicking,” sabi ni James. “We have a good groove right now.”
Nag-ambag si Irving ng 18 points kasunod ang 16 ni Timofey Mozgov at 15 ni J.R. Smith para sa Cavaliers.
Ang Cavaliers ang unang team na nagkaroon ng limang starters na umiskor ng higit sa 15 points sa magkasunod na laro matapos ang Los Angeles Clippers noong 2008.
Umiskor naman si Enes Kanter ng 24 points at 17 rebounds, habang may 14 si Hayward sa panig ng Utah.
Naiganti ng Cavs ang kanilang 100-102 kabiguan sa Jazz noong Nobyembre 5 na nagtampok sa buzzer-beating jumper ni Hayward matapos makawala kay James.