Laro NGAYON
(The Arena, San Juan City)
FINALS
9 a.m. – Lyceum vs
Perpetual (Jrs.)
12 nn – San Sebastian vs Arellano (W)
2 p.m. – St. Benilde vs
Emilio Aguinaldo (M)
MANILA, Philippines - Ito na ba ang araw na hinihintay ng mga panatiko ng Arellano Lady Chiefs?
Magkikita uli ang Lady Chiefs at San Sebastian Lady Stags sa Game Two ng kanilang best-of-three finals para sa 90th NCAA women’s volleyball title sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisi-mula sa ganap na ika-12 ng tanghali at kailangan na lamang ng Arellano na sundan ang 25-18, 25-15, 20-25, 25-19 panalo sa Lady Stags na nangyari noong Miyerkules.
Magbabaka-sakali rin ang Perpetual Junior Altas at St. Benilde Blazers na mailagay ang mga pangalan bilang mga koponang nagdomina sa volleyball sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Ang Junior Altas ay haharap sa Lyceum Junior Pirates sa unang laro sa ganap na ika-9 ng umaga at nais nilang masundan ang 25-19, 25-19, 25-11 panalo sa Game One. Sa kabilang banda, ang Bla-zers ay sasandal sa 27-25, 25-20, 23-25, 26-24 panalo sa Generals sa unang pagkikita para makatikim na rin ng kampeonato.
Sa pamamagitan nina Danna Henson, CJ Rosario, Menchie Tubiera at Rialen Sante, dinomina ng Lady Chiefs ang Lady Stags na humugot lamang ng magandang laro mula sa beteranang si Gretchel Soltones.
“Inspirado ang mga players at sisikapin namin na makuha ito,” wika ni Arellano coach Roberto Javier.
Hindi naman basta-basta padadaig ang koponang hawak ni coach Roger Gorayeb lalo pa’t huling titulo ng Lady Stags ay nangyari apat na taon na ang nakakaraan.
Pero para magkaroon ng magandang laban, dapat na may makatulong si Soltones para matapatan ang tiyak na mas malakas na laro na ipamamalas ng inspiradong Lady Chiefs.