ASEAN MTB Cup lalarga na sa Danao

MANILA, Philippines - Lalarga ang 2015 ASEAN Cup Mountain Bike Series ngayong weekend sa Danao City kung saan magtitipon hindi lamang ang mga top riders ng bansa  kungdi pati na rin ang mga mahuhusay na riders mula sa rehiyon kasama ang mga pambato ng China at Hong Kong.

Ang event na inorganisa ni UCI MTB International Commissaire Oscar ‘Boying’ Rodriguez na siya ring Technical Commission head ng PhilCycling ay gaganapin  sa  4.2-kilometer crosscountry course at  2-km downhill course na ayon sa standard ng International Cycling Union (UCI) kung saan pakakawalan ang mga siklista sa 284-metrong kataas na rampa.

Mangunguna sa kampanya ng mga Pinoy riders sa Elite category ay sina national team members Eleazar Barba (downhill), Jigo Mendoza (crosscountry), John Mier (crosscountry), Ariana Dormitorio (crosscountry-women) at Avigail Rumbao (crosscountry-women) kasama ang mga dating national riders na sina Eboy Quiñones, Alvin Benosa at Niño Surban.

Malaking tulong para maidaos ang karerang ito sina Danao City Mayor Ramonito Durano III, Vice Mayor Red Durano at Councilor Jed Almendras kasama sina Cebu Fifth District Rep. Ace Durano, Governor Junjun Davide, Vice Governor Agnes Magpale at Board Members Migs Magpale, Jude Sybico at Ivy Durano-Meca.

May 10-member ang Hong Kong na kasali bagama’t hindi sila kasapi sa ASEAN counties upang kumampan-ya sa Elite category para sa UCI points.

Ang China at Malaysia ay maglalahok ng kanilang juniors crosscountry riders na magbibigay ng hamon sa pambatong Pinoy na si Jake Aldrin Rivera, fifth-placer sa Asian MTB Junior Championships  noong nakaraang taon sa Lubuk Linggao, Indonesia.

Inaasahang mabigat na hamon ang haharapin ng Pinoy rider na si 2014 Asian MTB Championships bronze medalist Jerich Farr  laban sa mga Singapo-rean, Malaysian at Indonesian cyclists sa event na handog ng Air21, Greenhills Farms, Aduna, AppleOne Banawa Heights, Specialized at Rudy Project.

Sina PhilCycling chairman Bert Lina, president Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino at iba pang opisyal ng pederasyon ay ilan sa mga panauhin.

Pagkatapos ng Danao City leg, ang ASEAN MTB Cup ay tutungo ng Indonesia sa April para sa second leg, Kota Kinabalu sa Malaysia para sa third leg at  Timor Leste sa October para sa final leg.

 

Show comments