CLEVELAND -- Nagsisimula nang mabuo ang mga piyesa ng mga luma at mga bago sa Cavs.
Matagal ito bago nangyari at malayo pa ang kanilang lalakbayin.
Ngunit nag-uumpisa nang maglaro ang Cavaliers katulad ng isang koponang inaasahan sa kanila.
“I like the way we’ve been the last few games,” sabi ni LeBron James matapos ang kanilang 108-94 panalo kontra sa Chicago Bulls. “I like the way we’ve played the last week. We’ve played some really, really good basketball.’’
Umiskor si James ng 26 points at nagdagdag si J.R. Smith ng 20 para sa Cavaliers, nasangkot sa dalawang trades sa nakaraang mga linggo, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Laban sa Bulls, itinala ng Cavaliers ang 25-point lead sa third quarter para tuluyang ipalasap sa Chicago ang ikaapat nitong kabiguan sa huling limang laro.
Tumipa si Jimmy Butler ng 20, habang may 20 si Derrick Rose para sa Bulls, muling naglaro nang wala si starting center Joakim Noah (sprained ankle) sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Nagsalpak si Smith ng anim na 3-pointers, samantalang tumapos naman si Kyrie Irving na may 18 markers at 12 assists at humakot si Kevin Love ng 16 points at 12 rebounds para sa Cavaliers, hindi ikinukunsidera ang sarili bilang NBA title contenders at nanahimik ukol sa sinasabing pagsibak kay first-year coach David Blatt.
Mapapaganda pa ng Cleveland ang kanilang record sa pagsabak sa tatlong home games ngayong linggo at siyam sa kanilang susunod na 12 laban sa Quicken Loans Arena.
Sa Oakland, California, pumirma si James Michael McAdoo ng isang 10-day contract nitong Lunes ng umaga matapos hugutin mula sa NBA Development League.
Kinahapunan ay ipinagmalaki siya ng kanyang mga teammates nang maging isa sa 13 players sa active roster na umiskor para maduplika ng NBA-leading na Warriors ang kanilang franchise record na 16 sunod na panalo matapos ilampaso ang Denver Nuggets, 122-79.