Blu Boys, Blu Girls kailangan nang magsanay

MANILA, Philippines - Tinitingnan ng Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPhil) ang pagpapadala ng Blu Boys sa Australia o New Zealand para makapagsanay bilang paghahanda sa men’s softball sa Singapore SEA Games sa Hunyo.

Naghahanap ng training exposure ang men’s team upang maibalik ang tikas nito dahil sa inaasahang ma-tinding kompetisyon sa SEAG na gagawin mula Hun-yo 5 hanggang 16.

Kumikilos ang pamunuan ng ASAPhil na tiyakin na palaban ang koponan dahil tinalo ang nagdedepensang kampeong Indonesia sa isinagawang Asian Men’s Softball Championship noong Disyembre sa Singapore.

“The men’s team will have to work  really hard dahil natalo sila sa Indonesia at maganda ang ipinakita ng Singapore sa Asian Championship,” wika ni ASAPhil board member Randy Dizer.

Lumasap ng 8-9 pagkatalo ang Pilipinas sa Indonesia sa elimination pero binalikan nila ito sa Page System semifinals sa dikitan ding 4-3 panalo.

Tumapos pa ang Blu Boys sa Asian Championship sa pangalawang puwesto kasunod ng nagkampeong Japan pero sapat ito para umabante sa World Men’s Sofball Championship sa Canada Saskatoon, Canada mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 5.

Dahil dalawang malalaking kompetisyon ang paghahandaan sa Hunyo kaya’t balak na simulan na ang pagsasanay sa koponan sa susunod na linggo.

Kahit ang Blu Girls na kung saan si Dizer ay kasapi sa coaching staff ay magkakaroon din ng training exposure na balak gawin sa Australia o Chinese Taipei.

Hindi tulad sa men’s team, inaasahang walang magiging problema sa gagawing pagdepensa ng titulo ng Blu Girls na posibleng hahaluan ng mga Fil-American softbelles.

“May six Fil-Americans ang isinama namin sa list ng candidates pero tatlo lang ang maximum na dadalhin sa Singapore,” dagdag ni Dizer. (AT)

Show comments