MANILA, Philippines - Muling babanderahan ni billiards ace Rubilen Amit ang kampanya ng Pilipinas sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16.
Palagiang nag-uuwi si Amit, ang unang Filipina na nanalo ng world title, ng gintong medalya sa naturang biennial meet sapul noong 2005.
Limang gold medals ang kanyang pinitas sa SEA Games bukod pa sa dalawang silver at dalawang bronze.
“Maganda ngayon dahil malakas na ang team pero nakakahinayang dahil inalis ng host Singapore ang ilang events na puwede tayong manalo,” sabi ng two-time world 10-ball ruler na si Amit.
Nabigo lamang siyang makuha ang gold medal matapos matalo sa kababayang si Iris Rañola sa 9-ball singles finals noong 2011 sa Indonesia.
Magsasama sina Amit at Rañola sa Singapore SEA Games katuwang si Cheska Centeno.
Sasabak ang mga Pinay sa 8-ball at 9-ball singles matapos ilaglag ng Singapore ang mga regular events na 10-ball, doubles at rotation. (Olmin Leyba)