Pacquiao pine-pressure na si Mayweather

MANILA, Philippines - Halos limang taon nang pinipilit maplantsa ang kanilang super fight ni Floyd Mayweather, Jr.

Kaya naman pinupu­wer­sa na ni Filipino bo­xing superstar Manny Pac­quiao si Mayweather na pumirma sa kanilang fight contract.

Sa programang ‘Today’ sa United States ay ki­numpirma ni Pacquiao ang pagpayag niya sa lahat ng kondisyon ng American fighter para lamang mai­takda ang me­ga showdown nila.

“My promoter and I, we agreed to all that he wants, the terms and con­ditions,” wika ng Filipino world eight-division champion na nasa United States para i-promote ang kanyang dokumentaryong “Manny.”

Sinabi ni Pacquiao na hinihintay na lamang nila ang pirma ni Mayweather, ang American world five-division titlist, para tulu­yan nang maplantsa ang ka­nilang upakan sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Ve­gas, Nevada.

“We’re waiting for the signed contract. We’ll wait for the announcement. I’m waiting for the signed contract for him, and it will be on May 2nd,” ani Pacquiao.

Si Mayweather ang nag­takda ng kanilang laban ni Pacquiao sa Mayo 2 at sinabing siya rin dapat ang masunod sa kanyang mga kondisyon.

Pumayag na si Pacquiao sa 40-60 purse split kung saan maaari siyang tu­manggap ng premyong $40 milyon kumpara sa $120 milyon ni Maywea­ther.

Ngunit hanggang kahapon ay wala pa ring pormal na pahayag ang 37-anyos na si Maywea­ther.

Kamakalawa ay sinabi ni Showtime vice-president Stephen Espinoza na kailangan ding mag-usap ng Showtime/CBS at HBO/Time Warner para sa pagsasaere ng Pacquiao-Mayweather fight.

Si Pacquiao ay nasa HBO, habang si Maywea­ther ay nasa Showtime. (Russell Cadayona)

 

 

Show comments