MANILA, Philippines - Matatanggap na rin ng 1973 Philippine men’s basketball team ang pagkilala na matagal na dapat nilang nakamit.
Nakatakdang ibigay sa koponang kinabibilangan nina living legends Robert Jaworski Sr. at Ramon Fernandez ang Lifetime Achievement Award mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Annual Awards Night na inihahandog ng MILO sa susunod na buwan.
Ginabayan ng namayapa nang si coach Valentin ‘Tito’ Eduque, ang Philippine team ang huling ‘pure’ Filipino squad na naghari sa FIBA-Asia Men’s Championship matapos magposte ng malinis na 10-0 record noong December 1-15, 1973 na idinaos sa Pilipinas.
Tinalo ng koponan ang Korea, nagtampok kay shooter Shin Dong-pa, 90-78, para makakuha ng puwesto sa 1974 FIBA World Cup sa Puerto Rico.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina William ‘Bogs’ Adornado, Abet Guidaben, Jimmy Mariano, Francis Arnaiz, Yoyong Martirez, Manny Paner, Joy Cleofas, Big Boy Reynoso, Rogelio ‘Tembong’ Melencio at Dave Regullano.
Ang 1973 team ang naging inspirasyon ng Gilas Pilipinas sa pagsikwat sa tiket sa 2014 FIBA World Cup sa Spain makaraan ang runner-up finish sa 2013 FIBA-Asia meet.
“Before Gilas, there’s the 1973 Philippine men’s team which did us all proud by winning the FIBA-Asia Championship right in front of basketball-loving Filipino fans. It is only fitting then for the entire team to be recognized by the PSA as the recipient of the Lifetime Achievement Award during its Annual Awards Night,” sabi ni PSA president Jun Lomibao ng Business Mirror.
Noong nakaraang taon ang mga binigyan ng pagkilala sa annual rite sina legendary basketball player Carlos ‘Caloy’ Loyzaga, dating International Olympic Committee (IOC) representative to the country Francisco ‘Frank’ Elizalde at si one-time FIBA Asia secretary-general Mauricio ‘Moying’ Martelino.