NU bumandera sa UAAP men’s tennis

MANILA, Philippines - Inilista ng two-time champion National University ang kanilang ika-24 sunod na panalo para pa­munuan ang kompetis­yon sa UAAP Season 77 men’s tennis tournament sa Olivarez Sports Center.

Sa pamumuno ni Most Valuable Player Fritz Verdad, itinala ng Bulldogs ang magkatulad na 4-1 panalo laban sa University of the East at Ateneo De Manila University.

Nagsalo sa liderato ang NU, 2014 runner-up University of the Philippines at ang University of Sto. Tomas sa magkakatulad nilang 2-0 baraha, habang may 0-2 marka naman ang La Salle, Ateneo at UE.

Tinalo ng Fighting Ma­roons ang Blue Eagles, 4-1, bago ungusan ang Green Archers, 3-2.

Pinadapa naman ng Growling Tigers ang Green Archers, 3-2, at kinuha ang 4-1 tagumpay sa Red Warriors.

Sa women’s division, iki­nasa ng UST ang 2-0 slate matapos ang mga pa­nalo kontra sa UP, 4-1, at Season 75 titlist na La Salle, 3-2.

Si Kendies Malinis ang siyang nanguna sa na­turang mga panalo ng Tig­resses.

Sa likod naman nina MVP Christine at rookie Cla­rice Patrimonio, giniba ng Lady Bulldogs ang Lady Maroons, 4-1.

May 1-1 kartada ang Lady Archers, kinuha ang 4-1 panalo sa Lady Eagles sa opening day.

Tangan naman ng Ate­neo at UP ang 0-1 at 0-2 record, ayon sa pagkakasunod.

Show comments