Wall sinapawan si Rose sa panalo ng Wizards sa Bulls

WASHINGTON -- Una si Chris Paul. Nga­yon ay si Derrick Rose.

Tinalo ni John Wall ang dalawa sa mga top point guards sa NBA.

Nagtala si Wall ng 16 points at 12 assists para pa­siklaban si Rose sa 102-86 panalo ng Wa­shington Wizards kontra sa Chicago Bulls.

Tinapos ng lider sa All-Star votes sa hanay ng mga Eastern Confe­rence guards ang kanyang 0-5 record kay Rose.

Nauna nang wina­kasan ni Wall ang kanyang 0-6 kamalasan sa ka­nilang one-on-one ni Paul sa tagumpay ng Wi­zards laban sa Los An­geles Clippers.

“Didn’t I finally beat Chris and Derrick this year?” nakangiting wika ni Wall. “It’s a good year. It’s a good start. It’s finally good to beat them.”

Si Rose ay ang No. 1 overall pick ng NBA draft noong 2008, habang si Wall ang top selection noong 2010.

Tinalo ng Wi­zards ang Bulls, 3-2, sa kanilang first-round play­off series noong nakaraang taon kung saan hin­di nakapaglaro si Rose dahil sa kanyang knee surgery.

“You can tell he worked on his game,” ani Rose kay Wall. “Tonight, they jumped on us. It wasn’t about the matchup, I would say. They jumped on us pretty quick from the beginning.”

Naimintis ng Bulls ang 20 sa una nilang 24 shots at tinambakan ng Wizards, 30-10, sa first quarter.

Tumapos si Rose na may 19 points mula sa kanyang 8-for-19 field­goal shooting.

Sa San Antonio, tinalo ng Spurs ang Phoenix Suns, 100-95, sa kabila ng malamyang paglala­ro nina Tim Duncan, To­ny Parker at Manu Gi­nobili.

Umiskor si Danny Green ng 20 points para pangunahan ang Spurs.

Umiskor ang San Antonio ng season-high na 41 points sa final quarter laban sa Phoenix.

 

Show comments