MANILA, Philippines - Pagkakataon nga-yon ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles ang pantayan sa unahan ang pahingang La Salle Lady Archers sa pagbangga sa UE Lady Warriors sa 77th UAAP women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon gagawin ang tagisan at paborito ang Lady Eagles na maitala ang ikaanim na sunod na panalo lalo pa’t hindi pa nananalo ang UE matapos ang anim na laro.
Galing ang Lady Eagles sa mahigpitang five-sets win laban sa UP Lady Maroons at inaasahang seryosong haharapin ng Lady Eagles ang laro para magkaroon ng momentum laban sa karibal na Lady Archers sa pagtatapos ng first round elimination bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Dapat i-push namin ang aming mga sarili para gumanda uli ang laro namin,” wika ni Valdez na mayroon ng 88 kills, 12 aces at six blocks para pumangatlo sa scoring na 106 puntos.
Pagtatangkaan naman ng FEU Lady Tamaraws ang okupahan ng mag-isa ang ikatlong puwesto sa pagsukat sa lakas ng UST Lady Tigresses sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Sina Bernadeth Pons, Toni Rose Basas at Remy Palma ang mga magdadala ng laban para sa FEU na sa ngayon ay kasalo ang mga pahingang Adamson Lady Falcons at National University Lady Bulldogs sa 3-3 baraha.
Tiyak na palaban naman ang UST na gagawin ang lahat para pigilan ang kanilang limang sunod na talo matapos daigin ang UE sa unang asignatura. (AT)