MANILA, Philippines - Unti-unti nang gumaganda ang kalagayan ni basketball great Samboy Lim.
Ito ang pahayag kahapon ng kanyang dating asawang si PAG-IBIG Fund chief executive Darlene Berberabe sa panayam ng ANC.
“He’s been opening his eyes. Na-observe namin ‘yun two weeks ago,” wika ni Berberabe kay Lim, kumulapso sa bench matapos ireklamo ang pananakit ng mga balikat sa isang PBA Legends exhibition game noong Nobyembre 28.
Hindi binanggit ni Berberabe kung nakakakita na ang 52-anyos na si Lim ngunit ang pagmulat ng kanyang mata ay sapat na para maging kumpiyansa ang pamilya niya.
“I hope that such milestones will start from the opening of the eyes. May iba na patients, they could not even open their eyes,” ani Berberabe sa tinaguriang ‘Skywalker’.
Walang nag-akalang mararatay sa ospital ang isang kagaya ni Lim na maingat sa kanyang katawan at walang bisyo.
Ang 6-foot-1 guard na produkto ng Letran Knights ay isang two-time Second Mythical Team member at hinirang na All-Star Game Most Valuable Player matapos umiskor ng 42 points noong 1990.
Sinabi ni Berberabe na nakakaramdam na ng sakit si Lim kapag tinutusok ng karayom.
“In the first three weeks, he didn’t have any response to pain when he was pinched. But now, there is movement, so at least it shows us na hindi siya paralyzed,” wika ni Berberabe.
Kasalukuyan pa ring sumasailalim si Lim sa ilang antibiotic treatments at physical therapy at inaasahang maiuuwi na siya sa bahay ng kanyang pamilya sa susunod na dalawang linggo. (RC)